Totoo ba ang mga ‘Laman-Lupa’? |

Mga diwata, mga engkantada, mga sirena, mga maliliit na nilalang, mga duwende, mga Leprechauns, mga anito, maiitim na nilalang, at mga Trolls — ang mga ito at marami pang ibang pangalan ay kilala sa mga nilalang na kung tawagin ay mga espiritu. Naging tanyag din sila sa maraming iba’t ibang kultura sa ilang bansa at nabibilang sa mga pangkat ng mga di-pantaong nilalang na sama-samang nakatala bilang “mga elemento o elementals“. Sa Pilipinas, sila ay tinatawag na lamang lupa, engkanto, kapre at tikbalang, at bukod sa iba pang mga pangalan at anyo ng mga di-nakikitang mga nilalang.

Ang mga Elementals

Ang mga elemental na espiritu ay kilala rin bilang “likas na espiritu” (elemental spirits) at sinasabing sumasakop, at kayang maimpluwensiyahan ang mga pangunahing “elemento” ng kalikasan, katulad ng lupa, tubig, apoy, at hangin. Halimbawa, ayon sa tradisyunal na paniniwala, ang mga gnome ay kabilang sa mga elementong panlupa dahil mas gusto nilang manirahan sa mga kuweba, at malalalim na kagubatan kung saan sila gumamit ng kapangyarihan sa mga bato, mineral, bulaklak, at puno.

Ang mga diwata ay mga elementong naglilinis ng himpapawid sa tulong ng hangin, at tumutulong sa mga ibon na makahanap ng paglilipatan at nangangasiwa sa mga bunga ng halaman at bulaklak.

Ang ginagampanan ng mga espiritu

Ang batayan ng paniniwala sa mga elemental na espiritu ay nagsimula noong
kapanahunan ng sinaunang Griyego, na tumawag sa lahat mga demonyong nilalang sa ibang mundo, kasama ang kanilang mga lesser gods, muses, mga espiritung tagapag-alaga, mga espiritu ng lugar, at espiritu ng apat na elemento.

Noong ika-16 na siglo, ipinakilala ng isang Swiss na manggagamot at pilosopong si Paracelsus ang pormal na pag-uuri ng mga espiritu ng kalikasan sa kanyang treatise na, A Book on Nymphs, Sylphs, Pygmy, and Salamander, and On the Other Spirits. Kanyang sinabi ang layunin ng akda niya para “ilarawan ang mga nilalang na nasa labas ng pagkakilala sa liwanag ng kalikasan.“¹

Hindi itinuring ni Paracelsus ang mga nilalang na ito na “pure spirits” kundi tila mga espiritu at nilalang gaya ng mortal. Isinalarawan niya sila bilang mga di-nakikita ng mga mata ng tao subalit mayroong pisikal at humanoid na katawan, at kadalasang mayroong kilos na gaya ng sa ordinaryong tao katulad ng pagtulog, pagkain, at pagsuot ng damit. Ayon naman sa akda na Jewish Magic and Superstition: A Study in Folk Religion ni Joshua Trachtenberg, ang mga espiritu [lalo na ang mga demonyo] ay “nagkakasakit” rin at “namamatay” pero, ayon sa kanya, “ang kanilang pagkamatay, muli, ay hindi dapat unawain sa ating mortal na kahulugan; ‘kapag natuyo sila [mula sa kakulangan ng mga sustaining substance na ito] sila ay bumabalik sa kanilang primordial state o dating estado; ito ang paraan ng kanilang pagkamatay.“²

Bagamat hindi detalyadong tinukoy ni Trachtenberg (1939) ang uri ng sakit ng mga demonyo, ipinapahiwatig nito ang isang uri ng “kakulangan sa kanilang substansiya” [malamang sa kanilang pagpapalit-anyo ng pisikal na katawan o dematerialismo] na siyang nagpapahina o nagbibigay ng sakit o karamdaman sa mga nilalang na ito anupa’t ito rin marahil ang motibo nila upang makahanap ng mga mortal na tao para kanilang angkinin, maging ang katawang-lupa. Dito ipinapakita sa atin na mayroong kahinaan ang mga espiritung ito, maging elemental man sila o mga demonyo.

Ang itinuturo ng Bibliya

Walang binabanggit ang Bibliya patungkol sa mga salitang “engkanto”, “diwata,” “duwende”, at iba pang mga nabansagang mga elementong espiritu subalit hindi ito nangangahulugang sila’y hindi tinutukoy sa Bibliya.

Noong bago gunawin ng Diyos ang sinaunang daigdig sa malaking Baha, ginulo ito ng mga nilalang na nanggagaling sa kalangitan, o dako ng mga espiritu na kung saan naroon ang Diyos. Ang mga nilalang na ito na kung tawagin ng Bibliya ay “mga anak ng Diyos” [sa wikang Hebreo, ‘bene ha Elohim‘] ay literal na tumutukoy sa mga anghel na “bumaba sa lupa” upang “pumili sa kanila [mga anak na babae ng tao] ng kaniya-kaniyang asawa.” (Genesis 6:2, MBB2005) Dahil sa kanilang paglabag sa utos ng Diyos, at sadyang paggawa ng malaking kasalanang ito, nagkaroon sila ng mga anak sa mga babaeng inasawa nila. Dito naisilang ang mga tinatawag na Nephilim o mga “malalakas na nilalang” at minsang tumutukoy sa mga “higante”. (Genesis 6:4)

Dahil sa galit ng Diyos sa mga karahasan, at kasamaang ginawa ng mga Nephilim at kani-kanilang mga amang anghel na nagrebelde, nagpasiya ang Diyos na gunawin at wasakin ang sangkatauhan sa panahong yaon. Subalit iniligtas ng Diyos sina Noe at ang kaniyang mga kasama sa loob ng malaking Arko. (Genesis 6:5-8, 13-20; kapitulo 7)

Pinaniniwalaan na ang mga Nephilim ay naging mga espiritu ng mga demonyo na patuloy na nananakot sa mga tao hanggang sa ngayon kahit na wala na silang mga katawan.³

Ipinapayo naman ng Salita ng Diyos na dapat nating lubayan ang anumang uri ng pakikipagkaibigan, o pagsangguni sa mga mapanlinlang na espiritu, gaya ng mga demonyo, dahil ipapahamak lamang nila tayo sa kanilang mga gawa, at ililigaw sa mga katuruan ng Diyos.

Sinasabi ng Deuteronomio 18:9-12:

Kapag kayo’y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh [o Jehova], huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. Sinuman sa inyo’y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo.” (Magandang Balita Biblia, 2005 Edition)

Mga Sanggunian

¹ A Book on Nymphs, Sylphs, Pygmy, and Salamander, and On the Other Spirits ni Paracelsus.

² Jewish Magic and Superstition: A Study in Folk Religion ni Joshua Trachtenberg

³ Demons Nephilim Angels: The World That Then Was ni Etienne M. Graves Jr.


Latest Posts

Published by Jason Jeth

𝑱𝒂𝒔𝒐𝒏 𝑱𝒆𝒕𝒉 took his Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies at Capiz State University Pontevedra Campus. He is currently studying for his Master of Arts in Social Studies (MAT-Soc Stud) at Filamer Christian University. He is a licensed professional teacher, and a social influencer through his multi-talented skills in publishing articles and books, video logging, songwriting, music production, and teaching. He is the founder of Jason Jeth Newshub, a news blog site. He is also a member of Jehovah's Witnesses.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started