Aparisyon ni Maria — isang inspirasyon o matinding panloloko nga ba?|

Screenshot mula sa Wikipedia.

Milyun-milyong mga Katoliko sa daigdig ang may matinding debosyon at paniniwala kay Maria, ang ina ni Jesu-Kristo. Ayon sa isang research survey na isinagawa ng University of Dayton, halos umaabot sa 33.8% ang bumibigkas ng Hail Mary; 25.5% ang nagdadasal ng Rosaryo; 10.6% ang gumagamit ng ibang pampletong panalangin para kay Maria; at 5.5% ang nananalangin ng Angelus na kalakip si Maria.¹ Kung kaya, mas maraming mga saradong Katoliko ang napamahal at may matinding debosyon kay Maria.

Larawan ng rebulto ng Marian Shrine sa Agtalin, Capiz. | Credits: TripAdvisor.

Maliban sa paniniwala ng Iglesia Romana Katolika kay Maria, mayroon pa silang ilang karagdagang pinaniniwalaan patungkol sa kanya. Isa sa mga ito ay ang tinatawag nilang Marian apparitions o mga kathang-isip na pangitain na nagmumula umano kay Maria. Ano nga ba itong mga aparisyon ni Maria? Totoo nga ba ito? Ito nga ba ay sinasang-ayunan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya?

Ang mga aparisyon ni Birheng Maria

Ang isang aparisyon ni Maria ay tumutukoy sa anumang naiulat na supernatural na pangyayari na may kinalaman sa pagpapakita ni Maria. Tanging ang mga Katoliko sa daigdig ang may malalim na paniniwalang kagaya nito.

Mayroong mga ibinigay na iba’t-ibang titulo ang mga Katoliko para kay Maria, at ang ilan sa mga ito ay naging popyular na sa mga mananamba ng Birhen. Nakilala ang ilan sa mga titulong ito kagaya ng Our Lady of Fatima, Our Lady of Lourdes, Our Lady of Perpetual Help, at iba pa.

Para sa mga Katoliko, ang layunin ng di-umano’y pagpapakita ni Maria ay para palaguin ang pananampalataya ng mga Katolikong naniniwala sa kanya. Bagamat ito’y kalakip sa mga pribadong rebelasyon sa kanilang paniniwala, marami sa kanila ang nagbibigay ng atensyon at malaking halaga sa ganitong uri ng maka-himalang gawain. Sa katunayan, natapos na noon pa mang panahon ng mga apostoles ang publikong rebelasyon ng mga mensahe mula sa Diyos at tanging ang Bibliya lamang ang magiging basehan kung totoo o hindi ang isang himala. (1 Corinto 13:8)

Ganito ang sinasabi ng isang Catholic online site na Aleteia patungkol sa paniniwala sa mga private revelations: “Even if the Church recognizes an apparition as worthy of belief, no Catholic is obligated to believe in any private revelation, such as an apparition. The Church simply says that a person can find spiritual aid from an apparition, if he or she so chooses. (Kahit na kinikilala ng Simbahan ang isang aparisyon bilang karapat-dapat paniwalaan, walang Katoliko ang obligadong maniwala sa anumang pribadong paghahayag, tulad ng isang aparisyon. Sinasabi lamang ng Simbahan na ang isang tao ay makakahanap ng espirituwal na tulong mula sa isang aparisyon, kung pipiliin niya ito.)”

Ano naman ang masasabi sa atin ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, patungkol sa ganitong mga aparisyon?

‘Maraming lilitaw na mga bulaang propeta..”

Sa isang kabanata sa ebanghelyo ni Mateo, isinalaysay ni Jesus ang mga mangyayari sa araw ng kanyang di-nakikitang Presensiya. Nakikita na natin sa ating panahon ang mga palatandaan ng kanyang presensiya at ito ay nagbibigay sa atin ng hudyat kung paano maging handa hanggang sa kanyang pagbabalik.

Patungkol sa mga aparisyon, ay ganito ang sinasabi ng Panginoong Jesu-Kristo na mangyayari sa hinaharap na dapat nating bigyang pansin: “Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw ng sinuman, dahil marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako ang Kristo,’ at marami silang maililigaw.“Kung may magsabi sa inyo, ‘Nandito ang Kristo!’ o, ‘Nandoon!’ huwag ninyong paniwalaan iyon. Dahil may mga magpapanggap na Kristo at magkukunwaring mga propeta na gagawa ng mga himala at kababalaghan para iligaw, kung posible, maging ang mga pinili.” — Mateo 24:4, 5, 23, 24

Ang mga pagmimilagro ay kaya ring gawin ng kaaway ng Diyos, ang Diyablo at ng kanyang mga demonyo. Binabanggit sa 2 Corinto 11:14-15 na “hindi naman iyon nakapagtataka, dahil si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. Kaya hindi nakakagulat kung ang mga lingkod niya ay lagi ring nagkukunwari na mga lingkod ng katuwiran. Pero ang magiging wakas nila ay ayon sa mga ginagawa nila.

Totoo ito dahil maging ang isa sa sikat na pasyong ginagamit ng mga Romano Katoliko sa tuwing sasapit ang Mahal na Araw o Kuwaresma ay may nakasulat na ganito:

Ang mga pagmimilagro tutulungan ng Demonyo
Anopa’t magkakabayo at dito sa buong mundo
Maghahari itong lilo.” ²

Nakasulat sa Pasyong Katoliko ang mga himalang kaya ring gawin ng mga demonyo o ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit hindi lahat ng mga himala ay galing sa Diyos. (Mateo 7:2123)

Inaamin mismo ng Katolikong publikasyong pasyon na “ang pagmimilagro (o mga himala) tutulungan ng demonyo“. Si Satanas ang sinasabing “nagliligaw sa buong mundo” at siyang “nasa likod ng patuloy na pag-iral ng napakasamang taong ito.” (Apocalipsis 12:9; 2 Tesalonica 2:9) Kung kaya’t hindi imposible sa Diyablo, bilang isang makabuluhang espiritu, na linlangin ang isipan ng mga tao.

‘Huwag kang sasangguni sa mga espiritu ng mga patay..’

Isa sa mga utos ng Diyos na Jehova sa Israel at sa lahat ng tao na naglilingkod sa kanya ay “huwag.. kumokonsulta sa espiritista o manghuhula, o nakikipag-usap sa patay.” (Deuteronomio 18:11, NWT) Alam ng Diyos na lolokohin lamang ang mga tao kapag nakipag-sangguni sila sa mga “espiritu ng mga patay” at sa mga kumokonsulta rito dahil magkasabwat ang mga ito sa panlilinlang. Ganito ang gawain ng mga demonyo. Kaya nilang kopyahin ang hitsura at pisikal na anyo ng isang tao — buháy man ito o patay na!

Ang layunin ng mga demonyong ito ay iligaw ang mga tao sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Gusto nilang ilayo sila sa katotohanan.

Ang tunay na mga mananampalataya sa Diyos ay hindi hinihimok ng Bibliya na maniwala sa anumang aparisyon ng mga santo o maging ni Maria dahil walang utos ang Diyos na paniwalaan natin ito. Kung kaya’t dapat nating isaalang-alang ang payo sa atin ni apostol Juan na “huwag ninyong paniwalaan ang bawat mensahe na sinasabing galing sa Diyos, kundi tiyakin ninyo kung talagang galing ito sa Diyos, dahil maraming huwad na propeta ang lumitaw sa sanlibutan.” — 1 Juan 4:8

Mga Sanggunian:

¹ Survey on Mary and Youth. University of Dayton.

² Pasyong Mahal. p.208, par.7


Latest Posts

Published by Jason Jeth

𝑱𝒂𝒔𝒐𝒏 𝑱𝒆𝒕𝒉 took his Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies at Capiz State University Pontevedra Campus. He is currently studying for his Master of Arts in Social Studies (MAT-Soc Stud) at Filamer Christian University. He is a licensed professional teacher, and a social influencer through his multi-talented skills in publishing articles and books, video logging, songwriting, music production, and teaching. He is the founder of Jason Jeth Newshub, a news blog site. He is also a member of Jehovah's Witnesses.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started