Paano maging isang ‘honor student’ sa paaralan? |

Ang paaralan ang itinuturing na “tahanan ng karunungan at kaalaman”. Dito sinasanay ang mga mag-aaral upang matuto ng anumang bagay na itinuturo sa kanila ng kanilang mga guro base sa kanilang mga asignatura.

Bawat mag-aaral ay gustong maging matalino, at mapabilang sa mga tinatawag na ‘honor students‘. Ang salitang ‘honor student’ ay tumutukoy sa mag-aaral na nakakuha ng mataas na grades o marka sa kanyang buong gawaing pang-paaralan. Ngunit paano nga ba nagiging isang ‘honor student’ ang isang mag-aaral?

‘Walang mahirap na gawa kapag dinaan sa tiyaga’

May ilang mahusay na pamamaraan kung paano mapapataas ng isang mag-aaral o estudyante ang kaniyang grades. Ang ilan sa mga ito ay madaling gawin kapag sinamahan lamang ng kasipagan.

Naiisip ng mga mag-aaral ang sobrang hirap sa pag-aaral. Subalit sa kabila nito, may nakalaan namang tagumpay at gantimpala ang pagiging matiyaga at pagkamasipag ng isang estudyante.

Mga hakbang upang mapabilang sa mga pantas

Ang ilang mga hakbang at pamamaraang ito ay nagmula sa mga pagsusuri ng ilang dalubhasa sa sikolohiya at siyensya. Upang maging isang matalinong estudyante, dapat na:

1. Kumain ng masustansyang pagkain at almusal sa umaga.

Ayon sa mga pagsusuri, ang mga batang kumakain ng almusal o morning meals ay nakakakuha ng mas mataas na grades kumpara sa mga hindi nag-aalmusal. Napag-alaman na mas nagiging alerto ang mga estudyante sa classroom at mas madali nilang natatandaan ang kanilang leksyon.

2. Matutong komopya ng aralin (notes).

Habang nagtuturo ang guro, matutong magsulat ng aralin sa notebook. Kapag walang laman ang iyong notebook, paano ka mag-aaral sa inyong exam? Matapos ang klase, basahing muli ang iyong notes para siguradong naintindihan mo ang iyong natutunan sa klase.

3. Sumali sa mga usapan sa klase.

Ang mga guro ay nag-pupuntos sa bawat mag-aaral na sumasagot sa mga tanong nila. Kung kaya, kapag ikaw ay isang estudyante at aktibo sa klase, huwag kang mahiyang itaas ang iyong kamay at sumagot sa anumang diskusyon.

4. Kumunsulta sa guro.

Kung mayroon kang hindi maintindihan sa inyong klase, pwede mo itong ikonsulta sa inyong guro upang malinawan ka.

5. Magtakda ng study goal para sa iyong sarili.

Sakaling ika’y nagkaroon dati ng mababang grado kagaya ng 75%, subukan mong abutin ang 85% sa susunod na grading period. Gawin lamang ang mga basic steps sa itaas.

6. Mag-research at magbasa ng mga libro.

Kapag mahirap ang inyong leksyon, matutong gumamit ng internet at mga libro sa library. Magbasa ka palagi. Puwede ka ring magpatulong sa iyong kamag-anak.

7. Subukang magtakda ng schedule.

Upang mapadali ang pagkatuto mo, subukang mag-set ng schedule sa iyong pag-aaral. Halimbawa, 5:30 PM hanggang 6 PM para sa Mathematics, 6 PM hanggang 6:30 para sa Science, at iba pa.

Gumawa ka ng sarili mong time schedule.

8. Mag-aral sa tahimik na lugar.

Isara muna ang iyong cellphone, iPod, tablet, laptop, TV o anumang devices. Mag-pukos sa pagbabasa sa notebook o libro. Pagkatapos pwede ka nang maglaro at gumawa ng gusto mo.

9. Humingi ng tulong sa mas nakakatanda sa’yo.

Kapag mayroon kang hindi maintindihan sa inyong leksyon sa paaralan, pwede kang magpatulong sa mga nakakatandang kapatid mo o kamag-anak at kaibigan. Iwasan mong mangopya ng sagot sa klase. Hindi ito nakakatulong.

10. Subukang pataasin ang performance work sa paaralan.

Mataas ang puntos na mapabilang sa honor roll ang isang estudyanteng palaging nagpapasa ng mga proyekto, takdang-aralin, pagsali sa mga cultural activities at pagiging masipag sa paglilinis ng kalat sa loob ng classroom.

Hindi mahirap ang pag-aaral kapag sinamahan lamang ito ng kaunting tiyaga at pagtitiis. Sa huli, magbubunga rin ang lahat ng iyong mga nasimulan.

Tandaan na ang pagiging tunay na pantas sa paaralan ay ang pagiging tapat, masunurin at masipag palagi sa klase.


Latest Posts

Published by Jason Jeth

𝑱𝒂𝒔𝒐𝒏 𝑱𝒆𝒕𝒉 took his Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies at Capiz State University Pontevedra Campus. He is currently studying for his Master of Arts in Social Studies (MAT-Soc Stud) at Filamer Christian University. He is a licensed professional teacher, and a social influencer through his multi-talented skills in publishing articles and books, video logging, songwriting, music production, and teaching. He is the founder of Jason Jeth Newshub, a news blog site. He is also a member of Jehovah's Witnesses.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started