Bangungot sa Likod ng Madilim na Ateistikong Komunismo |

Larawan ng simbolo ng komunismo. (Photo credits: Pixabay)

“Dahil sa kayabangan, ang masama ay hindi nagsusuri; Buong-buo sa isip niya: “Walang Diyos.” (Awit 10:4, Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan)

Ang komunismo o communism ay isang ideolohiya na tumutukoy sa “lipunan na walang mga uri, walang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, at walang anumang indibidwal o kolektibong pag-aari” ayon sa depinisyon ng Wikipedia. Ang layunin ng ideolohiyang ito ay gawing pantay-pantay ang lahat ng tao, walang mayaman o mahirap, walang makapangyarihan o tagasunod.

Sa kabila ng uri ng pamamahalang ito, maraming kasamaang naidudulot ito sa isang lipunan. Halimbawa, nalilimitahan nito ang mga karapatan ng bawat tao at mga manggagawa sa isang sosyudad dahil sa pagiging sentralado ng gobyernong kagaya ng komunismo.

Ang ugat ng ateistikong komunismo

Ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos, sa relihiyon, at mga supernatural na mga bagay ay tinatawag na mga ateo o ateista (Ing, atheist). Kilala ang mga ateista sa pamamahalang may kaugnayan sa komunismo.

Isa si Karl Marx sa mga ateista na nagsabing “religion is the opium of the people” (ang relihiyon ang opyo ng mga tao). Ayon rin sa kanya, “Communism begins from the outset (Owen) with atheism; but atheism is at first far-from being communism; indeed, that atheism is still mostly an abstraction” (Ang komunismo ay nag-uumpisa sa pasimula (Owen) ng ateismo; ngunit ang ateismo sa una ay malayo sa pagiging komunismo; sa katunayan, ang ateismo ay halos isang abstraksyon o nagkakalapit).

Maraming mga bansa ang may pamamahalang ateistikong komunismo (state atheism). Ang mga bansang kagaya ng China ay isa sa pinakamalaking bansa sa mundo na nagtataguyod ng ateistikong estado o bansang walang kinikilalang mga diyos o relihiyon. Noong 1955, idineklara ni Zhou Enlai, isang Chinese communist na “We Communists are atheists” (Kaming mga Komunista ay mga ateista). Noong 2014, tiniyak ulit ng Communist Party ng China ang kanilang partido na silang lahat ay nararapat na maluklok bilang ateista.

Ang madugong pamamahala ng mga taong hindi maka-Diyos

Kaugnay sa ateismo, maraming beses na nagkaroon ng madilim at madugong pamamahala ang estadong ateismo. Ganito ipinaliwanag ng isang Christian apologist na si Gregory Koukl ang tungkol sa palaging idinidiin ng mga ateista: “The assertion is that religion has caused most of the killing and bloodshed in the world. There are people who make accusations and assertions that are empirically false. This is one of them” (Ang ipinapalagay ay ang relihiyon ang sanhi ng karamihan ng pagpatay at pagdanak ng dugo sa mundo. May mga tao na gumagawa ng mga akusasyon at paggigiit na sa katunayan ay mali. Ito ay isa sa kanila).

Madalas isisi ng mga ateista sa relihiyon ang ilang mga gulong nangyari sa kasaysayan. Subalit, ang hindi talaga nila alam ay kung ano ang rason ng mga pangyayaring ito. Higit sa lahat, napatunayan ring mali ang mga paratang na ito. Idinetalye ni Koukl ang ilang pagkukumpara sa bilang ng mga taong pinatay sa ngalan ng relihiyon at kung gaano mas mataas ang bilang ng mga naitalang namatay na tao sa ilalim ng pamamahalang ateistikong komunista na naging opisyal na doktrina ng mga militant atheist.

Nakapatay ng 60 milyong katao sa ika-20 siglo ang mga komunista sa paraan ng genocide, ayon sa Le Monde, at mahigit sa 100 milyong katao naman ang naitalang nasawi, ayon sa ulat ng The Black Book of Communism (Courtois and Werth et al., 1997) Ganito rin ang ibinunyag ni Cleon Skousen sa kanyang sikat na akdang The Naked Communist.

Tinatayang sa loob ng nakaraang 100 taon, ang pamamahalang nakasalig sa ilalim ng ateistikong komunismo ay nakapagkitil ng buhay ng tinatayang 40, 472, 000 at 259, 432, 000 mga katao. Maliban dito, hindi rin makakalimutan ang makasaysayang Reign of Terror noong kasagsagan ng French Revolution (May 5, 1789 – Nov 9, 1799) na kung saan nagtatag ng isang estadong laban sa Simbahang Katolika at mga Kristiyanong relihiyon ang mga taong nais ipanukala ang kanilang adhikaing Cult of Reason. Sa panahong ito, maraming mga mananampalataya ang inusig at brutal na pinatay nang walang anumang isinagawang paglilitis sa pamamagitan ng guillotine.

Ang pamamahalang walang Diyos na kinikilala ay lubhang mapaminsala. Totoo ang sinasabi ng Biblia patungkol sa mga taong ayaw magpasakop sa soberanya ng tunay na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mangmang sa sarili: ‘Walang Jehova.” Ang mga ginagawa nila ay napakasama at kasuklam-suklam; Walang gumagawa ng mabuti.'”Awit 14:1, Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan


Latest Posts

Published by Jason Jeth

𝑱𝒂𝒔𝒐𝒏 𝑱𝒆𝒕𝒉 took his Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies at Capiz State University Pontevedra Campus. He is currently studying for his Master of Arts in Social Studies (MAT-Soc Stud) at Filamer Christian University. He is a licensed professional teacher, and a social influencer through his multi-talented skills in publishing articles and books, video logging, songwriting, music production, and teaching. He is the founder of Jason Jeth Newshub, a news blog site. He is also a member of Jehovah's Witnesses.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started