Ano nga ba ang Dead Sea Scrolls?

Jason Jeth Newshub — Ang Dead Sea Scrolls ay itinuturing na susi sa kasaysayan ng arkeolohiya (archaeology) na may kalakip na pang-kasaysayan, pang-relihiyon, at pang-wikang kahalagahan dahil kabilang ang mga ito sa mga nasalbang matatandang manuskrito ng buong aklat ng Biblical canon, kasama ang mga deuterocanonical at extra-biblical manuscripts na nagpapatunay ng magkakaibang relihiyusong kaisipan noong huling panahon ng pamamayagpag ng Second Temple Judaism.

Ang Dead Sea Scrolls ay mas kilala rin sa tawag na “Qumran Caves Scrolls”. Ito ay ang mga sinaunang Hebreo o Judiyong manuskrito na ginagamit sa pang-relihiyon. Natagpuan ang mga ito ng isang pastol mula sa Bedouin noong 1946/47 sa Qumran Caves malapit sa Feshka, West Bank, na nasa hilagang baybayin ng Dead Sea.

Ayon sa mga dalubhasa, tinatayang aabot sa ikatlong siglo BCE hanggang sa unang siglo CE nagsimula ang pagsulat ng mga manuskrito na kalakip sa mga natagpuang dokumento sa Dead Sea. Dahil dito, ang mga dokumentong ito ay nagpapatibay pa lalo sa kaugnayan nito sa relihiyong Judaismo at Kristiyanismo. Ipinakita ng mga natagpuang “scrolls” kung ano nga ba ang pamumuhay ng mga sinaunang Judiyo noong kapanahunan bago pa man isilang si Jesu-Kristo hanggang sa panahon na siya ay mamatay at muling nabuhay.

Umaabot sa higit isang libong mga nalabing manuskrito ang nadiskubre sa Dead Sea. Bagamat ang ilang mga manuskrito ay nasira dahil sa natural na dahilan, maaari itong magbigay sa atin ng ilang impormasyon patungkol sa relihiyusong pamumuhay noong una ng mga Judio sa panahon ng Second Temple Judaism.

Mga Tanong at Sagot Hingil sa Dead Sea Scrolls

Ilang kuweba ang natagpuan sa Dead Sea na naglalaman ng mga natuklasang dokumento?

(s.) Ayon sa mga mananaliksik, mayroong kabuohang 12 mga “Caves” na matatagpuan sa Dead Sea. Masisilayan ang dakong ito malapit sa Khirbet Qumran na nasa silangang Disyerto ng Judea sa West Bank. Ang mga kuweba ay matatagpuan sa layong 1.6 milya sa kanlurang bahagi ng hilagang-kanluran ng baybayin ng Dead Sea. Nadiskubre naman ng mga mananaliksok ang ikalabing-dalawang kuweba noong Pebrero 2017 na siyang panibagong naitalang “Cave” sa naturang dako at naglalaman ng mga panibagong karagdagang scrolls. Nitong 2021, maraming mga panibagong natuklasang dokumento ang naisalba ng mga Israeli authorities malapit sa tinaguriang Cave of Horror.

Sinu-sino ang mga sumulat ng iba’t-ibang dokumento na kabilang sa Dead Sea Scrolls?

(s.) Ipinapalagay ng mga archaeologists na ang mga scrolls ay isinulat ng sinaunang sekta ng Judaismo na kung tawagin ay Essenes na kinikilalang mystic sects samantalang may ilan namang mananaliksik na nagsasabing may kinalaman dito ang mga Judiyong pari ng Jerusalem o ang mga Zadokites. Ayon naman sa iba, marahil ang mga scrolls ay isinulat ng mga hindi kilalang grupo na sumasampalataya sa Diyos.

Anong wika ang ginamit sa pagsusulat ng mga teksto ng Dead Sea Scrolls?

(s.) Karamihan sa mga teksto ng Dead Sea Scrolls ay nasa wikang Hebreo samantalang ang iba naman ay naisulat sa Aramaico (kabilang na ang teksto ng Apocalypse of the Son of God), at may mga natagpuan ring nasa anyong Griyego. Ang mga manuskritong ginamit sa pagsusulat ay gawa sa papyrus at parchment o yari sa mga balat ng hayop gaya ng tupa, baka at kambing.

Anu-ano ang mga iba’t-ibang kasulatan na natuklasan sa Dead Sea Scrolls?

(s.) Ilan sa mga tekstong bahagi ng Dead Sea Scrolls ay ang mga aklat na nasa Bibliya — lalong-lalo na ang ang Hebreong kanon na mga aklat — o mas kilala sa “Lumang Tipan” maliban lamang sa aklat ng Ester. Ang mga scrolls ay naglalaman rin ng mga koleksiyon ng mga sinaunang hindi kilalang himno o awitin, mga panalangin, mga komentaryo, mahiwagang pormula at ang pinakamatandang salin ng Sampung Utos ng Diyos.


Latest Posts

Published by Jason Jeth

𝑱𝒂𝒔𝒐𝒏 𝑱𝒆𝒕𝒉 took his Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies at Capiz State University Pontevedra Campus. He is currently studying for his Master of Arts in Social Studies (MAT-Soc Stud) at Filamer Christian University. He is a licensed professional teacher, and a social influencer through his multi-talented skills in publishing articles and books, video logging, songwriting, music production, and teaching. He is the founder of Jason Jeth Newshub, a news blog site. He is also a member of Jehovah's Witnesses.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started