Ginawa tayo ng Diyos upang paglingkuran at sundin ang kanyang mga utos dahil ito ang ating obligasyon bilang mga tao. — Jason Jeth
Minsan mo na bang naitanong sa iyong sarili kung bakit ka naririto, at nabubuhay? Ano nga ba ang layunin ng ating buhay dito sa mundo? Kung ating pagbabasehan ang pinakatanyag at praktikal na aklat sa daigdig, ang Biblia, makikita natin kung ano talaga ang tunay na layunin ng ating buhay.
“Paglingkuran ang Lumikha”
Ayon sa Biblia, nilikha tayo ng Diyos sa isang mahalagang tungkulin. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay “napakabuti” sa kanyang paningin. (Genesis 1:31; 1 Timoteo 4:4) Ibig sabihin, perpekto ang lahat ng ginawa ng Diyos. Subalit dahil binigyan tayo ng Diyos ng malayang kalooban, may kakayahan tayong magpasya at pumili ng ating gustong gawin kalakip na roon ang pagsunod sa mga alituntunin ng Diyos. Hindi tayo pinipuwersa ng ating Maylalang kung susunod tayo sa kanya o hindi. Ang malayang kalooban ay handog ng Diyos sa atin at dito naipapakita ng kusa ang tunay na pagmamahal sa Diyos nang walang pagpipilit.
Nilikha tayo ng Diyos upang paglingkuran siya. Gaya ng sinasabi sa Biblia: “Pagkatapos kong masabi ang lahat ng ito, ito ang punto: Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang mga utos niya, dahil ito ang obligasyon ng tao.” (Mangangaral 12:13)
Obligasyon o layunin ng bawat tao ang paglingkuran at luwalhatiin ang Lumikha. Noong narito si Jesus sa lupa, kanyang sinaysay ang ilang mahalagang tuntunin kung paano sambahin ang Diyos. Ayon sa sinabi mismo ni Jesus: “Pero ngayon, nagsisimula na ang panahon kung kailan sasambahin ng tunay na mga mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan. Ang Diyos ay Espiritu, at ang mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23-24, Bagong Sanlibutang Salin) Upang mapaglingkuran natin ang Diyos, dapat nating sundin ang kanyang kalooban, ibig sabihin, ang kanyang mga utos. (Mateo 7:21; Juan 3:16; 17:3) Kapag nagawa natin ito, dito natin makikilala ang tunay na layunin ng ating buhay at ang dapat nating kalagyan sa mundong ito. Hindi lamang tayo nabubuhay para kumain, uminom at lumigaya sa bawat gawain natin sa buhay, kundi higit sa lahat ay upang tuparin ang ating obligasyon sa ating dakilang Ama na siyang ating Lumikha. — 1 Juan 2:15-17
Latest Posts
- Presidential Debate Highlights: Donald Trump vs. Joe Biden |
- China dams release water, submerging more cities and flooding more streets |
- Terror attack in Dagestan, Russia kills police, priest and destroyed churches and synagogues |
- Why is Jesus an “Archangel”, not God Almighty himself? |
- Terrorist weapon supplier killed in Lebanon strike, Israel reports |